Quantcast
Channel: Alimbúkad » tula
Viewing all 41 articles
Browse latest View live

Balanghagan

$
0
0
Isla de Santa Cruz

Isla de Santa Cruz. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.

Sumusulong ang Siyudad de Zamboanga, dumarami ang wika sa pangangalakal, at hindi ito maikakaila ng pagdagsa ng mga turista sa paliparan o pantalan kahit hindi pista. Maliit ngunit siksik, ang heograpiya sa wari mo’y laberinto ng mga habing Yakan kung hindi man lalang-banig ng Sama o Badyaw. Makikitid ang lansangan at magagara ang plasa, ang paglalakad sa saliw ng awiting Chabacano ay malaya mong isiping paglalakad ni Rizal o pagsalakay ni Pershing, ngunit mananatiling panatag gaya ng Masjid Salahuddin at bukás na bukás, gaya ng tanikala ng mga paaralang may angking pasensiya o toleransiya. Kung magawi man sa Paseo del Mar at tumoma pagsapit ng takipsilim ay aasaming makatapak muli sa mamula-mulang bahura ng Isla de Santa Cruz habang sumisikat ang araw kinabukasan. Bago lumunsad ay maaaring mapukaw ang pansin ng Fort Pilar, saka mo magugunita na ang mga kanyon at pananampalataya ay gaya ng digmang nagsisilang ng kapatiran, at nagtitipon sa mga tao na may kani-kaniyang panalanging ang katuparan ay nasa pagkatunaw ng isang bungkos ng kandila.

“Balanghágan,” ni Roberto T. Añonuevo, 20 Mayo 2012.
Habing Yakan.

Habing Yakan. Kuha ni Bobby Añonuevo. 2012.

Banig ng Badjaw.

Banig ng Badyaw. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.

Paseo del Mar.

Paseo del Mar. Kuha ni Bobby Añonuevo. Mayo 2012.


Filed under: tula, Tulang Tuluyan Tagged: Fort Pilar, habi, Isla de Santa Cruz, lungsod, paglalakbay, plasa, siyudad, Tulang Tuluyan, turista, Yakan, Zamboanga

Anne Hathaway

$
0
0

salin ng tula sa Ingles ni Carol Ann Duffy.
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Ang kama na ibig natin ay umiikot na mundo
ng mga gubat, kastilyo, sulô, burol, dagat
na pagsisisiran ng mga perlas. Mga bulalakaw
ang salita ng aking irog pabulusok sa daigdig
gaya ng mga halik sa labing ito; banayad
na ritmo ang katawan ko sa katawan niya,
alingawngaw ngayon, saka asonansiya;
ang hipo niya’y pandiwang sumasayaw sa gitna
ng pangngalan. May mga gabing napanaginip
ko na sinulatan niya ako’t ang higaan ay pahina
sa ilalim ng kamay ng manunulat. Umiindak
ang romansa at drama sa haplos, samyo, lasa.
Sa ibang kama, na pinakamalambot, nakatulog
ang aming mga panauhin, na nagpapatalbog
ng kanilang prosa. Ang buháy, galák na mahal ko
ay hinawakan ko sa ulunang ataul ng aking biyuda
habang hinawakan naman ng irog ang palad ko
doon sa pangalawa sa pinakamalambot na kama.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: asonansiya, bulalakaw, daigdig, halaw, higaan, hipo, katawan, mundo, salin, tula

Tatlong Tula ni C.P. Cavafy

$
0
0

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mga Pagnanasà

Gaya ng maririkit na lawas ng yumao na hindi tumanda,
at ibinilanggo, nang luhaan, sa mariringal na mawsoleo,
may mga rosas sa ulo at may mga hasmin sa mga paa—
ganyan ang mga pagnanasa, na lumipas nang walang
kaganapan; wala ni isa man sa kanilang nakalasap
ng magdamag na kaluguran, o maningning na liwayway.

Mga Tinig

Mga huwaran at minamahal na tinig
ng mga namatay, o ng mga tao
na naglaho sa atin gaya ng mga patay.

Kinakausap minsan tayo nila sa panaginip;
at naririnig minsan ang mga ito sa isip.

Sasapit ang sandaling pababalikin nito
ang unang panulaan ng ating buhay—
gaya ng musikang nauupos sa malayong gabi.

Unang Antas

Nagreklamo isang araw si Ewmenes
kay Teokritus:
“Dalawang taon na ang nakalilipas
nang ako’y magtangkang magsulat ngunit
isang idilyo lamang ang aking natapos.
Isang tula lamang ang aking naisulat.
Ay, sadyang napakatayog, wari ko,
at napakatarik ng hagdan ng Panulaan;
at sa unang antas na kinatatayuan ko,
ang abang gaya ko ay hindi makaaakyat.”
“Ang ganyang pananalita,” ani Teokritus,
“ay baluktot at mapanyurak.
Kahit nasa unang hakbang ka pa lamang,
dapat na matuwa at magmalaki.
Hindi madali ang pagsapit mo rito,
na pambihirang tagumpay na malayo
sa matatamo ng karaniwang mga tao.
Upang makarating sa unang bahagdan,
kailangan mo munang maging mamamayan
sa lungsod ng mga isip.
At sa lungsod na iyon ay napakahigpit
at bibihira ang nagiging mamamayan.
Matutunghayan sa agora ang mga Mambabatas
na hindi maiisahan ng mga oportunista.
Ang pagsapit dito ay hindi napakagaan;
ang nakamit mo ay labis na kadakilaan.”


Filed under: salin, tula Tagged: Cavafy, mithi, nasa, pagnanasa, panulaan, salin, tinig, tula

Ang Lungsod at iba pang tula ni C.P. Cavafy

$
0
0

Tatlong tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Pagkabalam

Binabalam natin ang gawain ng mga diyos,
sa ating pagmamadali at pagiging muslak.
Sa mga palasyo ni Pítiya at ni Elewsis,
kumakayod nang matwid sina Demeter at Tetis
sa gitna ng liyab ng apoy at makapal na usok.
Ngunit malimit humahangos palabas si Metaneyra
mula sa kaniyang mariringal na silid,
gusot ang damit at buhok bukod sa nahihindik,
at madalas kabado at nanghihimasok si Peleyus.

Ang Lungsod

Sabi mo, “Magtutungo ako sa ibang lupain, sa ibang dagat.
Matutuklasan ang isa pang lungsod, na higit kaysa rito.
Bawat pagsisikap ko’y isinumpa ng kapalaran
at ang puso ko—gaya ng bangkay—ay nakalibing.
Gaano katagal mananatili ang isip sa gayong kabulukan?
Saan man ako bumaling, saan man tumingin,
ang makukutim na guho ng aking buhay ay natatanaw dito,
na maraming taon ang inilaan, ginugol, at winasak.”

Wala kang matutunghayang bagong lupain o ibang tubigan.
Hahabulin ka ng lungsod. Maglalagalag ka sa parehong
mga kalye. At tatanda ka sa parehong kapitbahayan,
at puputi ang mga buhok sa parehong mga tahanan.
Malimit kang sasapit sa parehong lungsod. Huwag umasa
sa iba—Walang barko na laan sa iyo, ni walang lansangan.
Gaya ng paglulustay mo sa buhay dito sa munting sulok,
parang winasak mo na rin ang buhay saanmang lupalop.

Ang mga Mago

Nasasagap ng mga diyos ang hinaharap, ng mga mortal ang kasalukuyan, at ng mga mago ang mga bagay na magaganap.

—Pilostratus, Buhay ni Apolonyus ng Tyana, viii. 7.

Maláy ang mga mortal sa mga nangyayari sa ngayon.
Ang mga diyos, na ganap at tanging nagtataglay
ng lahat ng Karunungan, ay malay sa mga sasapit.
At sa lahat ng bagay na magaganap, nababatid
ng mga mago ang papalapit. Ang kanilang pandinig

sa oras ng pagmumuni ay labis na nabubulabog.
Ang mahiwagang tunog ng darating na pangyayari
ay sumasapol sa kanila. At pinakikinggan nila iyon
nang may matimtimang paggalang. Samantalang
doon sa lansangan, ni walang naririnig ang madla.


Filed under: salin, tula Tagged: diyos, istorbo, lungsod, mago, pagkabalam, salin, tula

Isang Gabi at iba pang tula ni C.P. Cavafy

$
0
0

Mga tula ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Isang Gabi

Ang silid ay maalikabok at gigiray-giray
na nakatago sa ibabaw ng wasak ng taberna.
Mula sa bintana ay matatanaw ang eskinita,
na marumi at makitid. Mula sa ibaba’y
dinig ang mga tinig ng mga obrero
na nagpupusoy at naghahalakhakan.

At doon, sa gastado’t mumurahing kama’y
inangkin ko ang katawan ng sinta, ang labing
sensuwal, mala-rosas, nakalalangong labi—
ang rosas na labi ng sensuwal na kaluguran
kaya kahit ngayon habang nagsusulat ako
makaraan ang ilang taon, sa aking tahanan,
ramdam ko pa rin ang labis na kalasingan.

Libingan ng Gramatikong si Lisiyas

Sa kanugnog, sa kanan papasok ng aklatan
ng Beirut, inilibing namin ang dalubhasang
gramatikong si Lisiyas. Naaangkop ang pook.
Inilagak namin siya sa mga bagay na pag-aari
niya at magugunita—mga tala, teksto, gramatika,
katha, tomo-tomong puna sa idyomang Griyego.
Sa gayon, makikita at mapagpupugayan namin
ang kaniyang libingan tuwing kami’y lalapit
sa mga aklat.

Sa Parehong Espasyo

Ang mga paligid ng bahay, sentro, at kapitbahayan
na natatanaw ko’t nilalakaran nang kung ilang taon.

Nilikha kita mula sa ligaya at sa pagdadalamhati:
Mula sa maraming pagkakataon at maraming bagay.

Ikaw ay naging lahat ng pagdama para sa akin.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: aklatan, espasyo, gabi, gramatiko, halaw, libingan, magdamag, pagkakataon, rosas, salin, silid, taberna, tula

Bago sila baguhin ng panahon

$
0
0

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Cavafis)
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Bago sila baguhin ng panahon

Kapuwa sila namighati   sa kanilang paghihiwalay.
Hindi nila ninais iyon;   ngunit panahon ang nagtakda.
Upang makaraos sa buhay,    ang isa sa kanila’y
napilitang maglakbay tungo  sa New York o Canada.
Ang kanilang pag-ibig, ay!    hindi na gaya noon;
bahagyang tumalam bigla   ang bighaning makipagtalik;
ang bighaning makipagniig  ay tumamlay nang labis;
Ngunit hindi nila hangad   ang kanilang paghihiwalay.
Maaaring pagkakataon lamang.—  O baka ang Tadhana’y
isang alagad ng sining    na pinagbukod sila ngayon
bago pumusyaw ang damdamin  at baguhin ng Panahon;
bawat isa sa kanila’y    mananatili nang habambuhay
na beynte kuwatro anyos   at napakaririt na kabataan.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon.

Psyché et l’Amour (1798) pintura ni Gerard François Pascal Simon. Dominyo ng publiko.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: gunita, halaw, Pag-ibig, paghihiwalay, panahon, salin, tadhana, tula

Katawan, Tandaan . . . , ni C.P. Cavafy

$
0
0

Tula sa wikang Griyego ni C.P. Cavafy (K.P. Kavafis)
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Katawan, Tandaan . . .

Katawan, tandaan hindi lamang kung gaano ka minahal,
hindi lamang ang mga kama na iyong hinigaan,
bagkus maging ang mga pagnanasa
na kuminang nang lantay sa iyong paningin,
at nangatal sa tinig—at ang ilang pagkakataong
humadlang upang biguin ang gayong kaganapan.
Ngayong ang lahat ng ito ay pawang lumipas na,
waring ipinaubaya mo rin ang sarili
sa gayong mga pananasa—kung paanong kumislap yaon,
kung natatandaan mo, sa mga matang tumitig sa iyo,
at kumatal sa tinig, para sa iyo, tandaan mo, katawan!

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.

Babaeng hubad, guhit ni Guy Rose, oleo, 71.12 x 38.1 cm. Dominyo ng publiko.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: hubad, kaganapan, katawan, lastag, lumipas, nakaraan

Pagkamulat, ni Alasdair Gray

$
0
0

Salin ng tulang “Awakening”  ni Alasdair Gray
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nagising akong katabi sa lastag na kama ang kirot,
napakalapit, ang kaniyang ulo, na biniyak sa mapusyaw
na bato, ay ang aking ulo, ang kaniyang utak
ay ang aking utak, at hindi ko maiwaglit sa isipan
ang gayong pagkakalapit. Labis siyang napakatalik
na kasama at waring madaramang pag-iisa.

Sinikap kong buksan ang pinto upang siya’y palayasin,
. . . . . . . . . . .  o suhulan upang umalis,
pero naku po, ngumingiti siya saanmang panig
ako tumingin, sa lahat ng bagay na aking gawin.
Nakita ko ang kaniyang anyo kung saan tayo nagtagpo.
Kumakain siya sa tamang oras, sumesenyas sa bawat
kalye, subalit hindi kayang makatiis
kahit sa isang pisil ng iyong kamay.

Magmadali’t bumalik ka sa akin. Magbabago ako
nang wala ka. Lumalamig ang aking isip at kumikinang
gaya ng buwan. Naiipon ang mga susi, barya, at resibo
sa aking mga bulsa. Lumalaki akong kalmado at brutal
sa serbesa at makakapal na karne.

Ang Babae sa mga sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868.

Ang Babae sa mga Alon, ni Gustave Courbet, 1868. Dominyo ng publiko.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: anyo, bumalik, gising, halaw, hulagway, kirot, oras, pagkamulat, panig, salin, sarili, tula, umalis

Lambak ng Patay, ni Sorley Maclean

$
0
0

salin ng mga tula ni Somhairle MacGill-Ean [Sorley Maclean]
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Kalbaryo

Ang aking paningin ay wala sa kalbaryo
o kaya’y sa Pinagpalang Bethlehem,
bagkus sa mabantot na nayon ng Glasgow,
na ang buhay ay naaagnas habang lumalaki;
at sa isang silid sa Edinburgh,
ang silid ng karukhaan at pagdurusa,
na ang maysakit na sanggol
ay nag-iihit at alumpihit hanggang mamatay.

Lambak ng Patay

Winika ng Nazi o iba na ibinalik ng Fuehrer sa Alemang Kalalakihan  ang ‘karapatan at ligayang mamatay sa pakikidigma.’

Nakaupo nang walang tinag sa Lambak ng Patay
sa ibaba ng Tagaytay Ruweisat
ang batang nakatakip ang buhok sa kaniyang pisngi
at nagsaabuhing marungis na mukha;

Nabatid ko ang karapatan at ligaya
na natamo niya mula sa kaniyang Fuehrer,
sa pagsubsob sa larangan ng pagpatay
upang hindi na muling bumangon;

sa ringal at sa kasikatan
na taglay niya, hindi nag-iisa,
bagaman siya ang pinakakaawa-awang makita
sa laspag na lambak

na nilalangaw ang mga abuhing bangkay
sa bundok ng buhanging
makutim na dilaw at hitik sa mga basura
at pira-pirasong bagay mula sa sagupaan.

Ang bata ba ay kasama sa pangkat
na umabuso sa mga Hudyo
at Komunista, o nasa higit na malaking
pangkat nilang

tumututol na mahimok, mula sa simula
ng mga salinlahi, sa paglilitis
at baliw na deliryo ng bawat digmaan
para sa kapakanan ng kanilang mga pinuno?


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bata, dahas, digma, digmaan, gutom, halaw, kalbaryo, Kamatayan, pangkat, salin, sanggol, tula

Mithing Magpinta, ni Charles Baudelaire

$
0
0

salin ng tulang tuluyan sa Pranses ni Charles Baudelaire
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Mithing Magpinta

Malungkot marahil ang tao, ngunit masaya ang alagad ng sining na sakbibi ng mithi.

Nagliliyab ang mithing ipinta ko siya, ang enigmatikong babae na nasilayan ko minsan at naglaho nang mabilis, gaya ng isang bagay na pinanghinayangang maiwan ng isang manlalakbay na hinigop ng gabi. Ay, anung tagal na nang mawala siya!

Marikit siya, at higit sa marikit: siya’y nakayayanig. Lukob siya ng dilim, at siya’y inspirado ng anumang malalim at panggabi. Ang kaniyang paningin ay dalawang yungib na may misteryosang liyab, at ang kaniyang sulyap ay nagpapaningning gaya ng kidlat—isang pagsabog sa karimlan ng magdamag.

Maihahambing ko siya sa itim ng araw, kung maiisip ang isang bituing nagbubuhos ng liwanag at ligaya. Ngunit mabilis na maihahalintulad siya sa buwan; ang buwan na nagmarka nang malalim ang impluwensiya; hindi ang matingkad, malamig na pinilakang buwan ng romantikong katha, bagkus ang mapanganib at langong buwan na nakalutang sa maunos na gabi at hinagod ng nag-uunahang ulap; hindi ang payapa at tahimik na buwan na dumadalaw sa mga walang konsensiyang tao, bagkus ang buwan na hinaltak mula sa kalangitan, bigo at mapanlaban, at nagtutulak sa mga mangkukulam na taga-Tesalya upang magsisayaw sa nahihindik na damuhan.

Sa kaniyang maliit na bungo ay nananahan ang matatag na kusà at ang pag-ibig ng maninila. Gayunman mula sa ibabang bahagi ng nakagigitlang mukha, sa ilalim ng balisang ilong na sabik na singhutin ang anumang lingid at imposible, biglang sumasambulat ang halakhak, at taglay ang di-mabigkas na ringal, ang kaniyang bibig na malapad, na may kapulahan at kaputian—at katakam-takam—ay makapagdudulot ng panaginip ng pambihirang pamumukadkad ng bulaklak sa bulkanikong lupain.

May mga babaeng nagdudulot ng pagnanasa sa mga lalaki na sakupin silang mga babae, at gawin ang anumang nais nila sa kapiling; ngunit ang babaeng ito ay naglalagda ng mithing yumao nang marahan habang ikaw ay tinititigan.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: buwan, damuhan, gabi, kulay, ligaya, lungkot, pinta, pintor

Sa lilim ng puno, ni Emira Maewa Kaihu

$
0
0

Salin ng “Akoako o te Rangi” (1918) ni Emira Maewa Kaihu.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Sa lilim ng punongkahoy

Taglay ang pag-ibig, ako ay lumilim
Sa gilid ng puno nang labis ang pagod;
Bumulong ng tamis ang ligaw na hangi’t
Sumilip, ngumiti sa lawas kong taos.

Lantay na tahimik pagguhit sa kilay
Ang simoy na usok sa kaluluwa ko;
Nanawag sa akin upang ang karimlan
Ay sindihang muli ng puso ng tao.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.

Babaeng nahihimbing sa lilim ng punongkahoy (1900-1901), ni Odilon Redon.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Hangin, lawas, Pag-ibig, pagod, punongkahoy, puso, simoy, tahimik

Ang Batas, ni Hissa Hilal

$
0
0

Salin mula sa tulang Arabe ni Hissa Hilal
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Ang Batas

Nakita ko mula sa paningin ng mga subersibong fatwa ang panahon na ang matapat sa batas ay lumalabag sa batas.

Nang inilantad ko ang katotohanan, lumitaw ang halimaw mula sa kaniyang kanlungan—isang halimaw na barbaro kung mag-isip at kumilos, bukod sa nagngangalit at bulag; suot niya ang damit ng kamatayan at sinturong sumasabog.

Nagwiwika siya mula sa platapormang opisyal at makapangyarihan, sinisindak ang bayan at dinaragit ang sinumang naghahanap ng kapayapaan. Tumakbo palayo ang tinig ng katapangan, at ang katotohanan ay sinikil at binusalan, sa sandaling ang pansariling kabutihan ay pinipigil ang sinumang magsabi nang walang kabulaanan.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.

Si Hissa Hilal habang bumibigkas ng kaniyang tula.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, batas, fatwa, halimaw, kapangyarihan, katotohanan, kautusan

Aralin 1: Isang pagdulog sa tula ni Jemar Cedeño

$
0
0

Aralin 1: Isang pagdulog sa “Erehe” ni Jemar Cedeño

1              Makailang ulit na lumabis labis,
2              lumabis ang dibdib sa nadamang galit;
3              galit na tuwirang bumasag sa bait,
4              bait na lugaming humalik sa hapis.

5              Pinanalanginang mapagtagumpayan,
6              na maipangalat nasawi ng liham;
7              upang mapag-uli buhay na naparam
8              ay hindi mautas sa dakong kawalan.

9              Nguni’t [sic] ang landasin ay dagling binuwal,
10           niyaong patnugot na kasuklam suklam,
11           hungkag na damdaming dinadalisayan,
12           ng siphayo’t dusang lubhang kalungkutan.

13           Wari’y paru-parong [sic] sa maunang tingin,
14           animo ay gandang walang di papansin;
15           nguni’t yaon pala’y ubod ng rimarim,
16           mabunying halimaw na kalagim lagim.

17           Kapita pitagang [sic] uod na dakila,
18           sa laman at buto’y lubhang mapanira;
19           matuwid na lakad pinapaging aba,
20           maikat’wiran [sic] lang ang sa kanyang nasa.

21           Nangagsipanago sa plumang maitim,
22           ng kabalakyutang walang kasing diin;
23           ni ang likong budhi’y di sisikmuraing
24           makipagkaniig sa musikong saliw.

25           Anupa’t ang langit sa kaitaasan,
26           tinakpan ng ulap ng kasiphayuan;
27           upang maitago ang luhang dumungaw,
28           sa silong ng matang nasukob ng panglaw.

Kargado ng pahiwatig ang salitang “erehe” na mula sa Espanyol na “hereje,” at kabilang sa mga pakahulugan nito bilang pangngalan, ayon sa Real Academia Española (2013), ay ang sumusunod: una, ang tao na sumasalungat sa mga dogma ng mga establisadong relihiyon; at ikalawa, ang tao na sumasalungat o isang akademya na bumubukod sa opisyal na linya ng opinyong ipinagpapatuloy ng institusyon, organisasyon, atbp. Kung gagamiting pang-uri, tumutukoy ito sa “walanghiya” at “balasubas”; at sa balbal na pakahulugan ay katumbas ng pagsasabi nang marubdob ngunit nakasasakit. Kung idaragdag ang balbal na pakahulugang ginagamit sa Cuba, ang erehe ay katumbas ng “pangit” o “di kaakit-akit” kung idirikit sa tao; o kaya’y mababa ang kalidad kung iuugnay sa bagay; o “napakahirap” kung idurugtong sa aspektong pampolitika at pang-ekonomiya.

Hindi magiging newtral na salita ang “erehe” kung gayon, lalo kung babalikan ang mga nobela ni Jose Rizal.  Sa Noli me tangere, magiging erehe si Juan Crisostomo Ibarra sa paningin ng mga frayle dahil sa pagtatangka nitong magtatag ng bagong paaralan, makaraang makapag-aral siya sa Ewropa; gaya lamang na naging erehe ang kaniyang amang si Don Rafael na tumangging magsimba at mangumpisal, alinsunod sa pananaw ni Padre Damaso, at nagdusa hanggang mamatay sa bilangguan dahil ipinagtanggol ang isang batang sinasaktan ng artilyero. Erehe rin si Elias sa pagnanais nitong iangat ang kabuhayan ng kaniyang mga kababayan, at siyang sumasalungat sa mapagmalabis na patakaran ng Espanya. Sa El filibusterismo, ang “erehe” ay magkakaroon ng hugis sa mga katauhan nina Simoun (ang balatkayo ni Ibarra), Basilio, Kabesang Tales, Quiroga, atbp. Ang erehe kung gayon ay napakasalimuot na salita, at kung gagamitin itong alegorya o alusyon ay kinakailangang matatag ang sandigan nito sa loob ng tula.

Sa obra ni Jemar Cedeño na pinamagatang “Erehe” (2013), ang erehe ay marupok na ikinabit sa persona. Ang mga taludtod 1-8 ay mula sa isang tinig na nagsasalaysay hinggil sa sinapit na kasiphayuan ng isang maipagpapalagay na “erehe” ngunit kung ano ang pinaghihimagsikan nitong erehe ay malabo sa tula. Galit na galit umano ang isang manunulat, at nasiraan pa ng bait, ngunit kung bakit naging gayon ay hindi malinaw sa tula. Sa punto de bista ng pagtula, ang unang dalawang saknong (1-4, 5-8 taludtod) ay napakahalaga. Kinakailangang ipakilala muna kung sino ang hinayupak na erehe, at ipakilala ito sa isang pananaw na maaaring nakababatid sa kaniyang gawi o asal.

Kung ipagpapalagay na ang erehe ay isang manunulat na nagpadala ng liham sa isang patnugot [editor], ang patnugot ang nagdulot ng kalungkutan sa manunulat sapagkat maiisip na “mahinang sumulat” ang manunulat. Hindi agad ito mahihiwatigan, sapagkat nakalilito ang sintaks ng mga taludtod; at gumamit man ng isang anyo ng repetisyong gaya ng anadiplosis sa unang saknong ay nakapagpahina ito sa kabuuan upang maipakilala ang persona. Kung malabo ang tinutukoy na erehe, ang anumang larawan o pahiwatig na ikabit dito sa loob ng tula ay madaling guguho, at hindi na mapagtutuunan ang mga laro ng kapangyarihang mahuhugot sa istorikong alusyon o alegorya.

Isa pang problema sa obra ni Cedeño ay hindi binigyan man lamang ng pahiwatig kung sino ang patnugot. Kung gagawa ng tula, ang personang ipagpalagay nang isang manunulat ay dapat suhayan ng iba pang tauhang gaya ng editor. Hindi komo’t nagbanggit ng isang pangalan ang isang makata sa kaniyang tula ay sapat na. Kinakailangan ang paghahanda sa mga tauhan, sapagkat lalaylay ang mga pahiwatig nito kung gagamitin nang walang pakundangan.

Ang persona ay dapat ding ilugar sa isang pook o panahon. Ang paggamit ng salitang “erehe” sa kasalukuyang panahon ay dapat tumbasan ng pag-iingat upang hindi lumitaw na sinauna ang pagdulog sa tula. Nasaan ba ang persona sa tula? Walang nakaaalam. Maaaring ang persona’y nasiraan ng bait, at kung gayon nga, ang pook na kaniyang iniinugan ay maaaring sa daigdig ng imahinasyon. Ngunit nabigong maipakita ang gayon sa tula; at isang ehersisyo ng labis na pagbasa kung ipagpapatuloy ang nasabing haka.

Marupok ang mga taludtod 13-28. Binanggit ang salitang “paruparo” sa taludtod 13, ngunit kung kanino ito inihahambing o itinatambis ay malabo kung sa manunulat ba o sa editor. Maaaring sa editor, subalit nabigo muli ang awtor sa pagpapahiwatig kung bakit ang editor ay naging “paruparo” na sa unang malas ay marikit ngunit nang lumaon ay naging karima-rimarim, kung hindi man kahindik-hindik. Ang ginamit na taktika ng pagmamalabis sa deskripsiyon ay hindi nakatulong sa tula. Sa paggawa ng tula, ang pagsasaad ng mga larawan ng persona o kausap ng persona ay dapat kalkulado, masinop, at malinaw. Upang maipamalas na halimaw ang kausap ng manunulat-persona, kinakailangang marahan at sunod-sunod itong ipamalas kumbaga sa pagkakatalogo ng mga katangian.

Halimbawa ng pagkakatalogo ay una, “mapanira” at kung bakit naging ganito ay kinakailangan ng mga hulagway o imahen sa tula. Ikalawa, “mapagbalatkayo” raw ang kalaban ng persona, at muli kinakailangang patunayan ito sa loob ng tula. Madaragdagan pa ang mga imahen, alinsunod sa nais ng awtor. Naging OA ang tula ni Cedeño sapagkat naglista siya ng mga salitang gaya ng “kasuklam-suklam,” “siphayo,” “dusa,” “kalungkutan,” “aba,” at “luha” na pawang nabigong tumbasan ng mga pahiwatig na mag-aangat sa kalagayan ng persona. Ang mahuhusay na halimbawa ng pagkakatalogo ng mga salita ay matutunghayan sa mga tula nina Rio Alma, Mike L. Bigornia, Lamberto E. Antonio, Teo T. Antonio, Rogelio G. Mangahas, at Fidel Rillo.

Ang persona, na naipasok sa isang pook at panahon, ay malilinang sa anumang nais ng makata. Nais ba ng awtor na ipamalas ang “kasiphayuan” ng persona? Puwes, kinakailangang maglatag siya ng mga pangyayari o paglalarawan ng magsusukdol sa gayong layon. Hindi sapat ang paglilista ng mga salitang magkakatugma, na parang kolektor ka lamang ng mga magkakasingkahulugang salita. Kinakailangan ang masinop na pagsasaayos.

Ang kabulagsakan sa paggamit ng tugma ay mapapansin kahit sa mga taludtod 5-12 na pawang iisa lamang ang tugma (bbbb, bbbb), bukod sa tugmang karaniwan pa. Kung babalikan ang mga payo ni Lope K. Santos, ang tugma at sukat ay siyang panlabas na anyo ng tula o pisikal na katawan ng tula; samantalang ang “talinghaga” at “kariktan” ay pinakakaluluwa. Sa paggawa ng tula, kahit ang paggamit ng tugma ay dapat umaayon sa damdaming nais ipahiwatig mula sa isang persona, pook, o panahunan. Hindi sapat na magkakatugma ang dulong salita ng mga taludtod; kinakailangang iayon ito sa partikular na damdaming nais ihayag sa tula.

Mapapansin din na hindi sumusunod sa makabagong ortograpiyang Filipino ang obra ni Cedeño, sapagkat kinudlitan pa ang “nguni’t” at “makat’wiran” na puwedeng gamitin ang “ngunit” at “makatwiran.” Ang “paru-paro” ay ginitlingan, gayong hindi na kailangan sapagkat hindi naman ugat na salita ang “paro” at kahit pa may salitang “paparó” na isang uri ng malaking kulisap. Napakahalaga sa isang makata na sumunod kahit sa makabagong ortograpiyang Filipino upang hindi magmukhang sinauna ang ispeling ng mga salita, maliban na lamang kung sinadya ito.

Sa pangkalahatan, ang mga taludtod 25-28 ay korni ang datíng sapagkat paanong malulungkot ang langit sa sinapit ng persona kung ang hindi alam ng langit ang pinagmumulan ng persona? Bago malungkot ang langit, dapat maipakita muna sa mambabasa na karapat-dapat kaawaan ang persona. Inapi ba ang persona-manunulat? Puwes, ilatag ito sa mga detalye. Ang makapangyarihang puwersa na umaapi sa persona ang nabigong ilahad o ilarawan sa obrang “Erehe” ni Cedeño. Ang pagiging erehe kung gayon ng manunulat o kahit ng patnugot ay wala sa lugar; ginamit lamang ang salitang erehe nang walang ingat at sapat na bait. Ang aral na ito ay dapat matutuhan kahit ng mga estudyanteng nagsisimulang tumula.


Filed under: Kritika, panitikang Filipino, tula Tagged: aralin, erehe, filibustero, kalungkutan, Kritika, manunulat, panahon, patnugot, persona, tula

Aralin 2: Isang tanaw sa “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine

$
0
0

Dry dock sa Shanghai
ni Reynel Domine

1          Naghahalo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze –

3          naglalaho

4          may tsikwang nagsasampay ng sariling
5          buto sa dulo ng Crane

6          nagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodega

Hindi madaling gumawa ng maiikling tula. Ito ay sapagkat ang bawat salita sa maiikling tula ay kinakailangang salain upang makapagluwal ng mga elektrikong pahiwatig at pakahulugan. Hinihingi rin sa bawat taludtod ang malikhaing pagsasabalangkas ng diwain, nang hindi isinasakripisyo ang putol at untol ng mga parirala tungo sa malinaw na pangungusap at diwa.

Maihahalimbawa ang “Dry dock sa Shanghai” ni Reynel Domine. Ang nasabing tula ay binubuo lamang ng walong linya, na ang mga taludtod 1-3 ay maipapalagay na nagtataguyod ng isang diwain; samantalang ang mga taludtod 4-8 ay nagtatampok ng nakalulula kung hindi man nakahihindik na tagpo ukol sa obrerong Tsino sa drydock (pagawaan ng mga sasakyang pantubig).

Pansinin ang latag ng mga taludtod 1-2: “Naghahalo ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—/” na ang salitang “naghahalo” ay waring hindi bumabagay sa “hanggahan ng ulap” (na maitutumbas sa “orisonte” ng Espanyol at “panginorin” ng Tagalog), at “hanggahan ng ilog Yangtze” (na maaaring dulo ng tubigang maaaring maabot ng tanaw). Kung sakali’t “naghahalo” ang mga imahen ng ulap at ilog, ang resultang imahen ay hindi ulap o tubig bagkus maipapalagay na isa pang hulagway—na sa pagkakataong ito ay mahirap na mailarawan sa guniguni. Ang paggamit ng “naghahalo” ay aliterasyon sa salitang matatagpuan sa taludtod 3, “naglalaho” na may maluming bigkas.

Maipapanukala na palitan ang salitang “naghahalo” ng “nagtatagpo” upang lumitaw ang tagpong may limitasyon kahit ang napakalaking tubigan; at ang limitasyong ito ay susuhayan pa ng pagbabago ng kulay ng panginorin: “Nagtatagpô ang hanggahan ng ulap/at ilog Yangtze—” ngunit kahit ang ganito’y hindi nagbabalanse ang taludtod 1 at 2. Maiisip pa rin na ang taludtod 1 at 2 ay iisa ang tabas, at kahit putulin ang linya ay walang naikargang panibagong antisipasyon o kamalayan mula sa mambabasa. Ang taludtod 1 ay higit na mabigat kompara sa taludtod 2, at pagsapit sa taludtod 3 ay hindi mababatid kung ang “naglalaho” ay ang ilog Yangtze o ang ulap o ang kapuwa ilog at ulap. Nagkakaroon ng problema kung gayon sa sintaks  ng tula, at ang ganitong kapayak waring bagay ang nakapagpapahina sa bisa ng pahiwatig.

Ang kawalan ng bantas ay nagpatindi pa ng kalabuan, sapagkat ang taludtod 3 ay puwedeng isiping tumatalon sa taludtod 4. Subalit mabibigong humantong sa gayong tagpo dahil sa pangyayaring may “naglaho” sa mga taludtod 1-2 samantalang may lumitaw pagsapit ng mga taludtod 4-5. Ang taludtod 3 ay maiisip na pantimbang sa taludtod 6, ngunit mauulit muli ang kalabuan sa sintaks sapagkat puwedeng ihakang ang “nagwewelding” ay hindi ang “Tsikwa” (Intsik o Tsino) bagkus ang “crane.” Lumalabas ang gayong pagpapakahulugan dahil ang “nagwewelding” ay napakalapit sa “crane” na maaaring natanggalan lamang ng pangatnig na “na” dahil wala namang bantas na kuwit.

Maraming uri ng crane, na ang iba’y ginagamit sa pagtatayo ng gusali, samantalang ang iba’y nakalutang sa tubig upang gamitin sa pagbabaon ng rig tungo sa paghigop ng langis sa atay ng lupa. Nakahihindik kung gayon ang tagpo na ang “Tsikwa” —na isang pabalbal na tawag na “Tsino” mula sa pananaw ng isang obrerong posibleng hindi Tsino—ay umakyat sa dambuhalang aparato hindi bilang buháy bagkus bangkay. Ang ganitong kabatiran ay pinatitingkad ng “pagsasampay ng sariling buto” sa napakataas na crane, samantalang sa ibaba’y waring nakaabang ang “nakangangang bodega” na handang lumunok sa nasabing obrero sa oras na siya’y mahulog nang hindi inaasahan.

Sumusukdol sa alyenasyon ng obrero ang tula sapagkat anuman ang lahi ng naturang obrero ay sinipat lamang siya na ordinaryong makina na ekstensiyon ng kreyn at bodega; at napapawi ang rikit ng ilog Yangtze at kulay ng ulap sa mga sandaling kinakailangang kumayod ang isang manggagawa para matapos ang proyekto.

Kailangang sipatin ang tula sa punto de bista na ang tumatanaw at siyang naglalarawan ng tagpo ay hindi rin ordinaryong tao. Ang naglalarawan sa tula ay posibleng manggagawa rin na nakapuwesto sa isang mataas na pook, sapagkat paano niya masisilayan ang “pagtatagpo” ng ilog at ulap (na isang rural na tanawin), at ang trabahador sa tuktok ng kreyn at ang bodega sa ibaba (na pawang sagisag ng modernisasyon) kung ang nakasisilay ay wala sa gayong estratehikong lugar? Ang naturang taktika ang kahanga-hanga, at sinematograpiko, at dating ginawa ng pamosong Pranses na manunulat na si Aloysius Bertrand na pasimuno sa pagkatha ng mga tulang tuluyan.

Maipapanukala pa ang sumusunod na rebisyon upang higit na luminaw ang isinasaad ng tula:

Isang Tanawin sa Drydock sa Shanghai

1          Nagtatagpo ang hanggahan ng ulap
2          at ilog Yangtze sa balintataw

3          upang kisapmatang maglaho ang kulay.

4          May Tsinong isinampay ang sariling
5          kalansay sa dulo ng kreyn,                    [crane]

6          at patuloy sa pagwewelding

7          sa tapat ng nakangangang
8          bodegang nakaabang wari sa ibaba.

Panukala lamang ito, at sa bandang huli’y ang kapasiyahan ng makatang Reynel Domine ang magtatakda kung saan niya ipapaling ang tuon ng kaniyang tula.


Filed under: Kritika, sanaysay, tula Tagged: drydock, ilog, Kritika, manggagawa, obrero, OFW, Tsino, tula, Yangtze

Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

$
0
0

Salin ng “Nocturno Grito” ni Xavier Villaurrutia.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo.

Panggabing Palahaw, ni Xavier Villaurrutia

Kinikilabutan ako sa aking tinig
at hinahanap ang sariling anino.

Akin ba ang aninong dumaraan,
at walang katawan—iyon ba’y akin?
O ang boses na naligaw, at gumagala
Sa mga lansangan para manunog?

Anong boses, anino, at panaginip
ang dapat ko pang mapangarap
ang magiging tinig, anino, panaginip
na pawang ninakaw nila mula sa akin?

Upang marinig ang sirit ng dugo
mula sa mga saradong puso,
dapat ko bang idiit ang tainga
sa dibdib, gaya ng mga daliri sa pulso?

Mahuhungkag ang aking dibdib
at mababagbag ang aking loob;
At ang mga kamay na duduro’y
ang pitlag ng malalamig na marmol.


Filed under: salin, tula Tagged: anino, kaluluwa, palahaw, panaginip, panggabi, talinghaga, tula

Antígona, ni Claribel Alegría

$
0
0

Antígona

Salin ng tulang “Antígona” ni Claribel Alegría mulang El Salvador.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ililibing ko ang aking kapatid
kahit katumbas ito ng aking kamatayan
nang di-alintana ang mga batas
ng tunggalian.
Nagkamali ng akala si Creon
na iiwan ko ang bangkay
para pagpistahan ng mga buwitre.
Pinahiran ko ng langis ang mga braso
nang may poot
at buong tatag
upang silaban ang mga sigâ
na lalamon sa kaniyang katawan.
Nagkamali ng akala si Creon
na kaming mga babae’y mahihina
ang loob, hindi nanlalason ng isip
o kaya’y tumatakbo palayo sa panganib.
Ililibing ko ang aking kapatid
nang walang takot,
at buong pagmamahal.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Babae, braso, buwitre, digmaan, Kamatayan, kapatid, mahihina, pagmamahal, salin, siga, tula

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

$
0
0

Inisip ang Bayan ko’t Nagbalik ako sa Punongkahoy

Salin ng tulang tuluyan ni Karol Wojtyla (Papa Juan Pablo II) mulang Poland.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

1.
Sumibol ang punongkahoy ng karunungan ng mabuti at masama sa pasigan ng ating lupain. Kasama natin ay lumago ito sa paglipas ng mga siglo; tumayog itong Simbahan sa pamamagitan ng mga ugat ng ating konsiyensiya.

Pinasan natin ang mga prutas, mabigat ngunit nakapagpapalakas. Naramdaman natin ang punongkahoy na yumayabong, gayunman ay nanatiling nakabaon nang malalim sa isang patse ng lupa ang mga ugat nito. Inihayag ng kasaysayan ang mga pakikibaka ng ating konsiyensiya. Pumipintig ang tagumpay sa loob ng saray nito, at ang kabiguan. Hindi tinatakpan ng kasaysayan ang mga ito, bagkus hinahayang tumingkad.

Kaya ba ng kasaysayang dumaloy pasalungat sa agos ng konsiyensiya?

2.
Saang direksiyon nagsanga ang punongkahoy? Aling direksiyon ang sinusundan ng konsiyensiya? Walang kilalang hanggahan ang punongkahoy ng karunungan.

Ang tanging hanggahan ay ang Pagdating na magbibigkis sa isang lawas ang mga pakikibaka ng konsiyensiya at ang mga misteryo ng kasaysayan: paghuhunusin nito ang punongkahoy ng karunungan tungo sa Matang-tubig ng Buhay, na patuloy dumadaluyong.

Subalit bawat araw ay naghahatid ng parehong pagkakahati-hati sa bawat diwa at kilos, at sa pagkakahating ito’y ang Simbahan ng konsiyensiya ay tumataas mula sa mga ugat ng kasaysayan.

3.
Huwag nawa nating maiwala ang linaw na nakikita ng paningin, na pinaglilitawan ng mga pangyayari, at naglaho sa di-masukat na tore na batid ng tao kung saan siya patutungo. Tanging ang pag-ibig ang talaro ng tadhana.

Huwag na nating dagdagan ang saklaw ng anino.

Hayaang ang sinag ng liwanag ay umalimbukad sa mga puso at tumanglaw sa gitna ng karimlan ng mga salinlahi. Hayaang ang sinag ay tumagos sa ating karupukan.

Hindi dapat nating payagan ang kahinaan.

4.
Mahina ang bayan na tumatanggap ng kabiguan, at nalimot na ipinadanas iyon upang magbantay hanggang pagsapit ng oras nito. At ang mga oras ay patuloy na nagbabalik sa dakilang orasan ng kasaysayan.

Ito, ang liturhiya ng kasaysayan. Ang pagbabantay ay salita ng Panginoon at ang salita ng Bayan, na patuloy nating tinatanggap nang panibago. Lumilipas ang sandali sa salmo ng walang humpay na kumbersiyon: kumikilos tayo tungo sa pakikilahok sa Ewkaristiya ng mga daigdig.

5.
Sa iyo, daigdig, kami ay bumababa upang palawakin ang iyong saklaw sa lahat ng tao, ikaw na mundo ng aming mga kabiguan at tagumpay; sa lahat ng puso’y bumabangon ka bilang misteryo ng paskuwa.

Daigdig, palagi kang magiging bahagi ng aming panahon. Sa kabila ng panahong ito, at sa pagkatuto ng bagong pag-asa, maglalakbay kami sa bagong daigdig.

At ibabantayog ka namin, daigdig ng sinauna, bilang bunga ng pag-ibig ng mga salinlahi na hinigtan ang poot.


Filed under: halaw, tula, Tulang Tuluyan Tagged: bayan, Karol Wojtyla, karunungan, lupain, mabuti, masama, panahon, prutas, siglo, tula, Tulang Tuluyan

Ibig ko ang katahimikan, ni Pablo Neruda

$
0
0

Salin ng “Pido silencio” ni Pablo Neruda mulang Chile.
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mulang Filipinas.

Ibig ko ang katahimikan

Maiiwan na nila ako nang matiwasay,
at masasanay din sila sa aking pagkawala.

Ipipinid ko ang aking mga mata.

Ibig ko lamang ang limang bagay,
limang ugat na kinikilingan.

Isa ang walang hanggang pag-ibig.

Ikalawa ang masilayan ang taglagas.
Hindi ako makaiiral nang walang mga dahon
na lumilipad at bumubulusok sa lupa.

Ikatlo ang taimtim na taglamig,
ang itinangi kong ulan, ang haplos
ng apoy sa mabagsik na ginaw.

Ikaapat ang tag-araw,
na bilugan gaya ng milon.

At ikalima, ang mga mata mo.
Matilde, na aking minamahal,
di ako mahihimbing nang wala ang paningin mo,
di ako mabubuhay nang wala ang titig mo;
ipapaling ko ang tagsibol
upang ako’y sundan ng mga mata mo.

Iyan, mga kaibigan, ang tanging nais ko.
Malapit sa wala at matalik sa lahat.

Makaaalis na sila kung ibig nila.

Lubos akong namuhay at balang araw
ay sapilitan nila akong lilimutin,
saka buburahin sa pisara:
Walang kapaguran ang aking puso.

Ngunit dahil mithi ko ang katahimikan,
huwag isiping mamamatay na ako.
Ang kabaligtaran ang totoo:
magaganap na ako’y mabubuhay.

Iiral ako’t ako’y patuloy na iiral.

Hindi ako magiging nasa loob ko,
na isang uhay na nabigong sumibol
mula sa ubod, at bumiyak ng luad
upang makatanaw ng liwanag,
ngunit ang Inang Bayan ay madilim,
at, sa loob ko, ako ang karimlan.
Ako ang batis na ang tubigan sa gabi’y
pinag-iiwanan ng mga bituin
at mag-isang dumadaloy sa mga bukirin.

Palaisipan ang mamuhay nang lubos
kaya nais ko pang lumawig ang buhay.

Hindi ko nadamang napakalinaw ng tinig,
at ni hindi nahitik sa labis-labis na halik.

Ngayon gaya noong dati ay napakaaga pa.

Hayaan akong mag-isa sa ganitong araw.
Pahintulutan ako na muling isilang.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: ginaw, halaw, katahimikan, mata, matiwasay, pag-iisa, salin, tag-araw, taglagas, taglamig, tagsibol, tula

Mga Batang Riles, ni Seamus Heaney

$
0
0

Salin ng “The Railway Children” ni Seamus Heaney
Salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo

Nang inakyat natin ang dalisdis ng punlaan
Kapantay ng ating paningin ang mapuputing kopa
Ng mga poste ng telegrapo at sumasagitsit na kawad.

Tila marikit na hagod ay iniukit yaon nang ilang milya
Pasilangan at pakanluran palayo sa atin, pabulusok
Sa lilim ng pasakit ng mga langay-langayan.

Maliliit tayo at inisip na wala pang nababatid
Na dapat mabatid. Inakalang dumadaloy ang salita
Sa mga kawad sa makikislap na sisidlan ng ulan,

Bawat isa’y inihasik na buto na may liwanag
Ng langit, ang kinang ng mga linya, at ating mga sarili
Na walang hanggang kinaliskisan

Makadadaloy tayo palagos sa mata ng karayom.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: bata, liwanag, milya, riles, salin, sarili, tula

Salaysay ng aking kamatayan, ni Leopoldo Lugones

$
0
0

salin ng “Historia de mi muerte” ni Leopoldo Lugones mula sa Argentina
salin sa eleganteng Filipino ni Roberto T. Añonuevo mula sa Filipinas

Salaysay ng aking Kamatayan

Napanaginipan ko ang kamatayan at ito’y napakapayak:
Binilot ako ng mga sedang hibla,
at bawat halik mong pumipihit
ay kumakalag sa buhol ng pagkatao.
At bawat halik mo’y
isang araw;
at ang panahon sa pagitan ng dalawang halik
ay gabi. Payak lamang ang kamatayan.
At paunti-unti ay lumalarga nang kusa
ang nakamamatay na hibla. Hindi ko iyon kontrolado
bagkus ang munting bagay sa pagitan ng mga daliri . . .
Pagdaka’y naghunos kang malamig,
at hindi na muli akong hinagkan .  .  .
Pinawalan ko ang sinulid, at naglaho ang aking buhay.


Filed under: halaw, salin, tula Tagged: Buhay, halaw, hibla, kalooban, Kamatayan, salin, sinulid, tula
Viewing all 41 articles
Browse latest View live